Napulot namin si Hacky noong Hunyo nang nakaraang taon
Patpatin, marungis, gutom na gutom
Ang saklap na tinapon lang siya sa basurahan
Para lang siyang sıra at maduming basahan
Nasubaybayan ko ang kanyang paglaki
Naisip ko, ang daming pinagdaanan ni Hacky
Kaya may tatlong aral akong natutuhan sa kanya
Pagbigyan ninyo itong munti kong litanya
Unang aral, maging determinado
Kay Hacky, naging malupit ang mundo
Ngunit nakita ko ang gigil niyang mabuhay
Hindi biro ang ipinakita niyang tibay
Marami kaming aso sa bahay
Kaya minsan sa pagkain sila'y nag-aaway
Pero si Hacky, mahaba ang pasensiya
Naghihintay siya sa mga hindi niya agad makuha
Ikalawang aral, maging iba
"Pangit" ang tawag sa kanya ng aking Ina
"Aswang" naman ang tawag sa kanya ng aking pinsan
Pero para sa akin, si Hacky ay kay poging pagmasdan
Mabuti na lang, hindi naiintindihan ni Hacky ito
Kaya ang kaligayahan niya'y purong puro
Sa inaraw-araw, pinipili niyang maging masaya
Hindi alintana ang opinyon ng iba
Ikatlong aral, huwag seryosohin ang buhay
Ang buhay natin, nakalolokong tunay
May lungkot, may saya, may hapdi, may ginhawa
Kaya sabi nila, sakyan mo lang, huwag mong iinda
Sa mga pangit na nangyari kay Hacky, pwede siyang magalit
Pwede siyang mangagat sapagkat ang mga tao'y malupit
Ngunit sa kabila ng lahat, nananatili siyang sabik
Buntot niya'y wawasiwas upang tanggapin ang aming halik
Patuloy kang mabuhay, Hacky
Maging determinado, maging iba, huwag seryosohin ang buhay
Pinatira ka namin sa aming bahay
Ngunit pinatira mo kami sa iyong puso
0 comments:
Post a Comment