Meal Plan Deliveries: Nakakapayat ba Talaga?


Hello! Kumusta na kayo? Sana nasa mabuti kayong kalagayan. Ang paksa ko ngayon ay patungkol sa pagpapapayat. Maraming paraan para pumayat. Pwedeng mag-ehersisyo, magbawas ng pagkain, o kaya pumunta kay Dr. Belo or Dr. Calayan. 

Maraming paraan para pumayat, pero talaga namang napakahirap gawin nito. Masarap kasing kumain at masarap ding magtamad-tamaran. Higa-higa, tamang tambay lang kapag weekends. Pero dadating ka talaga sa punto nang buhay mong kailangan mong magdesisyon at kumilos. Mararamdaman mong nagrereklamo na ang katawan mo sa iyo. Hindi ka na makakilos nang maayos. Marami na ring sumasakit. Hudyat na ito para magbawas ka na ng timbang. 

Tulad mo, marami rin akong ginawang paraan para pumayat. Nag-jogging, nagbawas ng kanin, nag-fasting. Gumana naman ang mga ito pero ang hirap pa ring magpababa ng bigat. Nararanasan ko ang tinatawag nilang pagyo-yoyo ng timbang. Naglalaro lang lagi sa 60 to 61 kilograms ang timbang ko kahit nagsimula na akong mag-ehersisyo. Noong nakaraang taon, pumalo ang timbang ko sa 62 kilograms kasi uminom ako ng milk tea. Ang babaw, pero iniyakan ko yun. Parang nabalewala lahat ng pagod ko sa exercise. 5’1 ang aking tangkad kaya ayon sa BMI, overweight na ako. 


Pero kahit na nag-fail, babangon ka at muling susubok. Pagkatapos ng Pasko at Bagong Taon, nagdesisyon ulit akong magbawas nang timbang. 


Kung naaalala ninyo, mayroon akong Belle de Jour (BDJ) planner at hitik ito sa mga coupons. Nakita kong may isang coupon para sa Fitness Gourmet PH. Php750 off kapag nag-avail ka ng five-day low calorie meal. Ang halaga nito ay Php1,800 + Php250 delivery charge. Pero dahil may coupon ako, Php1,300 lang aking binayaran. Ang sarap maging Bella (katawagan kapag ikaw ay may BDJ planner). 





BAGO ANG MEAL PLAN - 61 kgs



Gaya ng ibang meal plan delivery services, maaari mong piliin kung ilang calories ang gusto mong i-konsumo sa araw-araw (1,200, 1,500, 1,800). Pinili ko ang 1,500. Bago ako nagsimula, ang timbang ko ay 61 kgs.


Araw-araw kong itinala ang aking mga pagkain. Ako ang tipo nang taong masarap kung kumain kaya isang malaking hamon ang kainin lang ang ibinigay nila. Mas kaunti ang serving kaya madalas pa rin akong gutom. Pero hindi ako nakaramdam ng panghihina. Dahil low calorie diet ang pinili ko, kumpleto pa rin ang pagkain ko. May brown rice, karne, gulay, prutas, at healthy na dessert. 


(Clockwise) Balsamic Red Wine Braised Beef with Pumpkin Risoni; Sweet Potato Brownie; Chicken Tocino Rice Bowl; Vegetable Kare-Kare with Brown Rice

(Clockwise) Taco de Carnitas with Salsa Verde; Halaya Maja Blanca; Chicken Tetrazzini; Paella Valenciana

(Clockwise) Lemon Blueberry Cupcake; Tomato Basil Baked White Fish; Vegetarian Bibimbap; Chicken Pakora with Mango Apple Chutney

(Clockwise) Pineapple Tatin; Chicken Saltimbocca; Mongolian Beef; Tuna Waldorf Panini

(Clockwise) Beef Rage Stuffed Eggplant; Kung Pao Tofu with Chicken Fried Rice; Lemon Garlic Fish with Southern Grits; Gluten-free Peanut Butter Banana Muffin

Pinilit kong ang mga iyan lang ang kainin sa loob nang limang araw. Pero magpapakatotoo ako. Kumain ako ng saging noong Lunes at nilantakan ang pasalubong na mani ng aking kaibigan noong Biyernes. Umiinom din ako ng isang tasang kape o matcha latte mula sa Tea Klub PH  araw-araw. Pero bukod diyan, wala na akong kinaing iba. 


May mga pagkakataon ding hindi ko sinusunod ang pagkakasunud-sunod ng pagkain. Minsan ang hapunan ay ginagawa kong almusal, ang tanghalian ay ginagawa kong hapunan. Kung ano yung may kanin, yun ang ginagawa kong almusal. Kasi ang gusto ko, mabigat ang unang meal na kakainin ko. 


Masarap ang mga pagkain sa Fitness Gourmet PH. Malasa siya. Pero siyempre, dahil meal plan ito, madalas pre-cooked na ito o naluto na ito isang araw bago ipadala. Hindi naman ako mapili sa pagkain kaya okay lang sa akin. 


Bukod pa dito, nagkaroon din ako nang dalawang 30-minute strength training for beginners na session. Nage-ehersisyo na ako pagkagising pa lang para buong araw akong may enerhiya at kaliwanagan nang pag-iisip. Walang pinipiling oras ang ehersisyo. Pero nagdesisyon akong gawin siya pagkagising pa lang kasi may napanood akong YouTube video na nagsasabing ang pinakamabisang oras ng exercise ay pagkagising. Ang susunugin mo kasi ay taba o fats dahil wala kang kinain bago mag-ehersisyo. Ang sabi sa video, kapag nag-ehersisyo ka sa gitna nang araw, ang susunugin mo ay ang calories nang kinain mo bago ka nag-ehersisyo. Hindi ko alam kung totoo ito. Hindi ako fitness expert o nutritionist. Pero mas gusto ko ang pakiramdam kapag nag-exercise agad pagkagising. 



ANG KINALABASAN



Muli akong nagtimbang, Sabado nang umaga. Hallelujah! 59 kgs! Sa ilang buwang page-exercise ko, ngayon lang ako nagkaroon nang ganito kabilis na weight loss. Totoo nga ang sabi nila:


Weight Management is 90% diet, and only 10% exercise. 


Para makamit mo ang isang bagay, disiplina talaga ang kailangan. Nasanay akong kumain nang marami kaya naging hamon ang magkaroon lamang nang limitadong pagkain. Sakripisyo din ang pagbangon sa umaga upang mag-ehersisyo. 


Pero lahat nang ito ay may ibinungang kaaya-aya. Ang dalawang kilong nawala sa akin ay magandang panimula tungo sa pangarap kong 50-51 kilograms. Dahil dito, muli akong nag-avail sa Fitness Gourmet PH para sa darating na mga araw. 


Pero sa ngayon, kakain muna ako nang sashimi, tuna misono, at Krispy Kreme. =)



















0 comments:

Post a Comment