Bukas Ulit



Miyerkules ng gabi. 

Ginawa mo ang nakasanayang paglilinis ng katawan. Hinubad mo ang de-tatak mong damit na amoy pulitika ng opisina. Tinae mong lahat ang kinain buong araw. Umasang ang masarap na lasa nito’y mapagtatakpan ang blanko mong pakiramdam. Nagsepilyo. Naghilamos. Binanlawan ang katawang napupuno ng kapaguran sa inilabang araw na nagdaan. 

Ang sarap sa pakiramdam. Sinuot mo ang pantulog – ang paborito mong damit. Wala itong pagpapanggap, komportable. Inaakap ang katawan mong nagtiis sa magarang kasuotan buong araw. 

Humiga. Pamilyar ang amoy ng higaan pati na ng paborito mong unan. Inaliw ang sarili sa social media. Hanggang tumama na sa alas dose. Oras na para matulog, sabi mo sa sarili. Ipipikit ang mata. Tapos didilat ulit. Bakit parang mas mahirap matulog ngayon?

Nakahiga ka pero tumatakbo ang isip mo. Alam mong inaantok ka pero hindi mo magawang humimlay. Pagsilip sa orasan. Tangina, ala una na. Ang pangarap mong gumising at pumasok nang maaga ay naglahong parang bula. Sa kagustuhan mong makatulog, gagawin mo ang isang bagay na nakasanayan na, iiyak ka. 

Maghahanap ka ng dahilan para lumuha. Ikakahon mong lahat ng masakit na nangyari sa iyo. Pagsasama-samahin mong lahat dahil masakit at nakakapagod iyon. Mainam na paraan ito upang makatulog ka nang mahimbing. Pero hindi mo mamamalayang alas tres na. 

Makakaramdam ka ng pagkabalisa. Tatlong oras mo nang sinusubukang matulog pero wala pa rin. Matatakot ka na para sa sarili mo. Ano nang nangyari? Wala ka namang problema. Maganda naman ang naging takbo ng araw. Normal na pasakit na naging parte na ng buhay mo bilang isang tao. 

Delikado ito, maiisip mo. Dahil ang alas tres ay simula ng pag-iisip ng mga bagay na hindi mo dapat iniisip. Sa oras na ito haharapin mo ang pinakamatindi mong kalaban at iyon ay ikaw. Lumalabas ang boses na ayaw mong pakinggan, ayaw mong kausapin. Sa oras na ito maiisip mong tapusin ang lahat, pero hindi mo gagawin dahil ayaw mong masaktan. At ayaw mo ring masaktan ang mga mahal mo. At higit sa lahat, bakit? Bakit mo tatapusin ang lahat?

Mula alas tres hanggang alas kuwatro lalabanan mo ang sarili, ang blankong pakiramdam na pilit kang nilalamon. Literal na lalamunin ng kablankuhan ang bahagi ng sarili mong may kahulugan. Kakainin niya ang bahaging nakakaramdam, masaya, masakit, nakakairita. Makikipaglaban ka sa kawalan at sobrang hirap nito. 

Lahat nang ito ay nasa loob mo lamang. Nakahiga ka sa kama. Komportable. Ni walang ideya ang mundo na may digmaan nang nangyayari sa dibdib mo. 

Hay, alas singko na. Mamaya kaunti, magliliwanag na ang kalangitan. Nang-aasar ang bintana, lantarang ipinapakita ang pagpapalit ng dilim sa liwanag. Hindi mo iyon dapat nakikita kasi dapat sa mga panahong iyon, tulog ka. 

Maliwanag na, makakaramdam ka ng pagod. At saktong alas singko y medya, mawawalan ka ng malay. Sa wakas, ang katawan mo na ang nagpasya, o marahil, ang Diyos, nahabag sa iyo at pinatulog ka na. 

At paggising mo, panibagong umaga ulit, o tanghali. Babangon, maliligo, magbibihis. Parang walang nangyari. 

Mapapabulong ka na lang sa sarili, ang tapang mo. Bukas ulit. 

1 comment:

  1. Online Baccarat - Worrione.com
    How to Play Baccarat - online 제왕 카지노 baccarat is a game of skill with a big worrione emphasis on luck and luck. It's not just about luck, it's about 온카지노 luck. Baccarat is

    ReplyDelete